Tuesday, 2 October 2012

R.A. No#10175

     Medyo mainit sa kasalukuyan ang isyu tungkol sa pagpasa ng CyberCrime Law (ʀᴀ ɴᴏ. 10175) sa ating bansa. Batas na proprotekta sa mga mamayaman laban sa mga krimen na nagaganap sa cyberworld tulad ng paninirang puri sa mga social networking sites gaya ng facebook at ang cyber-bullying. Nakalahad sa nasabing batas na sino man ang lalabag ay may kaparusahan ng 12 taong pagkakakulong.
     Karapatan nating mamamayan ng bansang Pilipinas na maprotektahan ng estado mula sa anumang uri ng krimen sa anumang uri nito. Karapatan natin na maging malaya mula sa pang- aabuso, berbal man o pisikal. Ngunit hindi ba, karapatan din naman nating makapagpahayag ng ating sariling opinyon at kuro- kuro? Ang cyberworld ay isang pampublikong lugar kung saan ay malaya tayong nailalahad ang kanya- kanya nating opinyon, kaisipan at iba pang saloobin. Nagkataon lang talaga na may mga taong abusado sa pag- gamit sa lugar na ito. Pero hindi naman siguro kinakailangang bawasan ang ating kalayaan sa paggamit ng cyberworld.
     Maraming suliranin ang kinahaharap ng ating bansa, laganap ang kahirapan, malaking bahagdan ng populasyon ang nagugutom, marami ang walang trabaho, talamak anbg bentahan ng droga at human trafficking at higit sa lahat, mataas pa rin ang antas ng kriminalidad. Dito nakikita natin ang pang- aalipusta sa mga kapatid natin. Buhay pa nga nila minsan ang nanganganib. Kung batas nalang sana na makapagpapababa o tuluyang makapag- aalis sa mga suliranin na iyan, siguro mas matutuwa pa ang ating mga kababayan. Hindi ang batas na nagbabawal sa karapatan mo sa pagpapahawag ng iyong opinyon.